Kilala baga ninyo si Anthony Leal Nepomuceno?

Nabalitaan ko laang kanina kay Ka Lolong saka napanood ko sa TV na si Anthony, miyembro raw ng Alpha Phi Omega (APO) fraternity tubong Marinduque, ay siya na raw pangunahing suspek sa pagpapasabog sa Taft Avenue pagkatapos ng bar exams ngayong taon. Anang mga balita, isang call center agent at nag-aral sa Manuel L. Quezon University si Anthony Nepomuceno.

Ayon kay Justice Sec. Leila de Lima, sumuko si Anthony kay Bise Presidente Jejomar Binay, isang iginagalang na elder ng APO. Sabi pa sa report ng GMANews.tv, dinala sa NBI si Anthony, pero di siya ikinulong dahil wala pang pormal na kasong naisasampa laban sa kanya.

Itinanggi raw ni Anthony na siya ang nagtapon ng granada. Sabi sa isang TV report, maging ang pamilya ng isa sa mga biktima ng pagsabog ay di naniniwalang ang kababayan natin ang salarin.

Mahigit 40 ang nasugatan sa pagsabog na iyon, kabilang si Raissa Laurel, estudyante ng abogasya sa San Sebastian College na naputulan ng dalawang binti.